Pormalisasyon ng Wika sa Mass Media
Christian George C. Francisco, PhD
De La Salle University-Dasmarinas
Si Rodman (2007) ay hinati sa apat na kategorya ang konsepto niya hinggil sa media. Una, ang print media kung saan nakapaloob ang mga aklat, magasin, diyaryo at iba pang uri ng lathalain. Ikalawa, ang broadcast media kung saan kabilang ang radyo at telebisyon. Ang ikatlo ay ang digital media na sumasaklaw sa paggamit ng mga kompyuter o Internet. At ang huli ay ang entertainment media na nakatuon naman sa mga pelikula, rekording at mga larong pang-video. Sa kabilang dako, ipinaliwanag ni Biagi (2005) na ang media ay itinuturing na pangunahing institusyong panlipunan dahil sa impak na hatid nito sa isang kultura. Ito rin ay nagsisilbing repleksyon ng buhay politikal at kultural kung saan kabahagi ang isang pangkat ng lipunan.
Kung susuriin natin ang ugnayan ng dalawang kaisipan, ipinapakita lamang nito na tunay na pangunahing instistusyong panlipunan ang mass media dahil mula sa apat na kategoryang inilahad ni Rodman (2007), hindi maitatangging lahat ito ay mga kasalukuyang iniikutan ng pang-araw-araw na buhay ng mga tao sa kasalukuyang panahon.
Pangkalahatang layunin ng papel na ito na maipakita kung papaano maaaring mapormalisa ang wika sa mass media. Samantala, ang mga tiyak na layunin naman ay ang sumusunod:
1. matukoy ang papel ng mass media sa pagpapalaganap ng kulturang popular sa Pilipinas;
2. maibalangkas ang proseso kung papaano mapopormalisa ang wika sa mass media; at
3. makabuo ng isang kongkretong awtput sa anyo ng isang diksyonaryong pang-media.
Sa pag-aaral ng alinmang uri ng media, mahalaga na magkaroon ng kabatiran hinggil sa tinatawag na media literacy. Ito ay tumutukoy sa kakayahan ng isang indibidwal na maunawaan at magamit nang mahusay ang isang tiyak na midyum na kanyang nalalaman (Rodman, 2007). Sa sandaling maging malinaw na ito sa kanya, matututuhan din niyang tukuyin at tayain ang epektong dulot ng media sa lipunan at kulturang kanyang kinabibilangan. Sina Wilson & Wilson (2001) ay naglahad ng ilang pamantayan upang masabing literado sa media ang isang tao. Una, nararapat na alam niya kung sino ang lumikha ng nilalaman ng media na kanyang ginagamit. Ikalawa, ano ang layunin ng pagkakalikha nito. Ikatlo, ano ang epekto nito sa nakararami. At huli, paano ito nag-ebolb hanggang sa kasalukuyang panahon.
Sa kabilang dako, dahil sa likas na masaklaw ang domain ng mass media, bawat indibidwal na tatanggap ng mensahe ay maaari pa ring makalikha ng sari-sarili nilang interpretasyon ukol dito. Sa puntong ito, papasok ngayon ang konsepto ng selektibong pananaw. Ito ang pananaw kung saan ang iba’t ibang tao ay kakikitaan ng pekulyaridad sa kanilang nasasaisip. Nangyayari ito batay sa sumusunod na komponent:
a. pamilyang pinagmulan
b. personal na interes
c. edukasyon
Bagaman, makikita pa rin natin dito ang dalawang malaking papel ng mass media: Gatekeepers at Agenda Setters. Ang una ay tumutukoy sa terminong sosyolohikal na binuo ni Kurt Lewin (1974). Inilarawan niya ang media na may kakayahang kontrolin ang anumang impormasyon nais iparating sa mga tao. Dito, ang media ay nagsisilbing checkpoints na nagsasala ng mga impormasyon bago pa man ito tuluyang maipaabot sa mga tao. Sa kabilang dako, ang agenda-setting naman ay tumutukoy sa gawi ng media at kakayahan nitong magtakda kung alin isyu ang nararapat na pag-usapan. Nagsisilbi silang tagapag-organisa ng mga paksang usapin na kakagatin ng higit na malaking bilang ng mga tao. Tinukoy naman nina Wilson & Wilson (2001) na ang konsepto ng agenda setting ay walang pinagkaiba sa talaan, plano, balangkas at iba pang kahalintulad na nagbibigay-pansin sa mga bagay na nararapat isaalang-alang.
Sinuportahan ito ng isang pag-aaral ng Veronis Suhler Stevenson Communications Industry Forecast (2003-2007), sa loob ng isang taon, apatnapu’t dalawang porsyento (42%) ang inilalaang oras ng tao gamit ang maraming uri ng midya. Dalawampu’t limang porsyento (25%) naman sa hindi paggamit nito, at ang natitirang tatlumpu’t tatlong porsyento (33%) ay nakalaan sa pagtulog ng tao.
Ngayong malinaw na ang konsepto ng mass media, titingnan naman natin ang kaugnayan nito sa kulturang popular na mayroon tayo. Ang pop culture o tinatawag ding popular culture ay maaaring bigyang kahulugan bilang panlahat na kultura ng isang lipunan. Dahil ito ay tinatanaw sa pangkalahatang aspekto, si Ray Browne na isang iskolar ng kulturang popular ay nagsabing ito ay kinapapalooban ng saloobin, gawi, at kilos; kung paano at bakit natin isinasagawa ang isang bagay; ang mga pagkain at damit na ating isinusuot; ang mga estruktura, kalye at lugar na ating pinupuntahan; entertainment at isports; politika at relihiyon; o alinmang sitwasyon na humuhubog at nagkokontrol sa atin.
Ang lahat ng nabanggit ay isandaang porsyentong naibibigay sa atin ng mass media. Kung kaya, mapapansin na unti-unting napaliliit nito ang daigdig dahil sa pagkakaroon ng bertikalisasyon-nagsisilbing tagapagpatupad ang media at sinusunod naman ito ng nakararami. Sa pangyayaring ito nagaganap ang konsepto ng cultural imperialism o imperyalismong kultural. Ito ang unti-unting pagkawala ng mga paniniwala ng isang lipunan dahil sa pagbulusok ng mga bagong pandaigdigang kultura.
Gayon pa man, hindi maiwawaksi sa usapin ng kultura ang wika. Nagsisilbi kasi itong pangunahing instrumento ng lipunan tungo sa mobilisasyon ng mga impormasyon. Bilang instrumento, maaaring matamo sa pamamagitan nito ang mga instrumental at sentimental na pangangailangan ng tao. Ang wika ay behikulo para makisangkot at makibahagi ang tao sa mga gawain ng lipunan upang matamo ang mga pangangailangang ito. Samakatwid, nagpapatunay lamang na napakahalaga ng papel na ginagampanan ng wika sa pang-araw-araw na buhay ng tao. Gamit ang wika, nagagawa ng tao na matugunan ang kanyang mga pangangailangan maging ito man ay pansosyal o pampersonal. Nagiging instrumento ang wika upang makisangkot ang tao sa mga nangyayari sa kanyang paligid. Dahil dito, mahalaga para sa isang tao na maging maalam siya sa kanyang wikang ginagamit upang ito ay magamit niya sa paraang tiyak at planado.
Ang wikang Filipino bilang isang laganap na wika sa industriya ng mass media sa Pilipinas ay kusa nang tinatangkilik dahil sa dami ng nakauunawa at nakaaabot sa wikang ito. Gayon pa man, hindi maitatanggi na marami sa kasalukuyang panahon ang may kakulangan sa kawastuan at kahusayan sa paggamit ng mga teknikal na wikang pang-media. Ang kailanganing ito ay higit na nararapat na bigyang-pansin lalo’t higit, itinuturing na makapangyarihang wika ang Filipino at ang media. Ang ugnayan ng dalawang domain na ito ay krusyal sa pagpapalaganap ng wika.
Ang suliranin sa paggamit ng wika sa industriya ng media ay makikita sa mga praktisyoner nito sa kasalukuyan. Ang pagtukoy sa mga suliraning pangwika ay mababatid sa teorya ni Haugen (1987) kaugnay sa Pagpaplanong Pangwika. Ang pormulasyon ay kailanganin sa pagtukoy ng isang suliraning pangwika na ginagamit ng isang pangkat-wika o speech community. Upang mas pagyamanin naman ito, mahalaga ang papel ng kodipikasyon, ito sa pamamagitan ng paglikha ng mga diksyonaryo o babasahin na tutugon sa mga suliraning pangwika. Ikatlo, ang elaborasyon ay nagbibigay pahintulot sa materyal na mapalawig ito. Sa huli, ang implementasyon ay mahalaga tungo naman sa mas masaklaw na pagpapagamit ng materyal. Sa paglalahat, tinutungo nito na maiintelektuwalisa at maistandardisa ang isang wika mula sa suliraning nararanasan nito.
Isang mahusay na paraan sa pagpaplanong pangwika ay ang pagdebelop ng isang diksyonaryo dahil natutugunan nito ang mga pangangailangang pangwika. Kung kaya, sa papel na ito, nagtakda ang manunulat na isang proseso sa pagbuo ng diksyonaryong pang-media. Tinatawag na leksikograpiya ang sining ng pagbuo ng diksyonaryo. Ayon kay Zgusta (1971), mayroong iba’t ibang uri at kategorya ang mga diksyonaryo
Sa kabuuan, labintatlong (13) hakbang ang dinibelop ng mananaliksik kaugnay sa pagbuo ng diksyonaryo: (1) Pangangalap ng Entri, (2) Preliminaryong Pagpili sa mga Entri, (3) Kongkretisasyon ng mga Entri, (4) Pagtutumbas ng Entri sa Filipino, (5) Pagtataya sa Bahagi ng Pananalita, (6) Paglalapat ng mga Kahulugan, (7) Aktwal na Pagsasalin ng mga kahulugan sa TW, (8) Pagbasa sa Salin (9) Unang Rebisyon ng Diksyonaryo, (10) Balidasyon ng mga Eksperto sa Pagsasalin, (11) Ikalawang Rebisyon ng Diksyonaryo, (12) Pagsusulit-basa Gamit ang Voice Recording, (13) Paghahanda ng Pinal na Awtput.
Sa paglalagom, ang pagbuo ng diksyonaryo ay isang mabisang hakbang tungo sa pagpapalawak, pagmomodernisa, gayundin ang maiintelektuwalisa ang isang wika. Sa kaso ng wikang Filipino, maituturing itong isang pagsulong na pasukin ang maimpluwensiyang domain ng mass media. Sa pamamagitan nito, mapopormalisa ang mga teknikal na terminong pang-media na siyang tutulong para maiintelektuwalisa ang wika sa mass media.
Bibliograpi
Biagi, S. (2005). An introduction to mass media.
Campbell, R. (2003). Media and culture.
Haugen, E. Blessings of
Walter. 1987.
Rodman, G. (2007). Mass media in a changing world.
Wilson, J. & Wilson R. (2001). Mass media mass culture.
Zgusta, L. Manual on Lexicography. Czech: Academia. 1971.
No comments:
Post a Comment